Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese ambassador matapos ang illegal, dangerous, provocative at deplorable actions ng Chinese Coast Guard malapit sa Ayungin Shoal noong Okt. 22.
Tila wala sa bansa si Chinese Ambassador Huang Xilian at sa halip ay kinakatawan ng kanyang deputy chief of mission (DCM).
Sinabi ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na ang usapin ay “urgent” kaya nagpasya ang departamento na makipagkita sa envoy upang talakayin ang posisyon ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Aniya, nakipagpulong ang deputy chief of mission kay DFA Assistant Secretary Aileen Mendiola-Rau ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye tungkol sa pagpupulong.
Mula nang magsimula ang administrasyong Marcos, ang Pilipinas ay naghain ng kabuuang 122 diplomatikong protesta laban sa mga paglusob ng China sa West Philippine Sea, mula sa 465 na isinampa mula noong Enero 2020.
Sinabi ni Daza na ang pagsasampa ng posibleng pangalawang kaso sa West Philippine Sea sa kabuuan ay pinag-aaralan pa ng naturang departamento.
Matatandaan na bumangga ang isang barko ng China Coast Guard sa isang resupply boat ng Pilipinas sa bahagi Ayungin Shoal nitong Oktubre 22 lamang.