-- Advertisements --

Kinumpirma ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na totoo ang destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pero nilinaw nitong hindi ito mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Direktang tinukoy ni Lorenzana ang Communist Party of the Philippines New Peoples Army (CPP-NPA) na nasa likod ng pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.

Sinabi ng kalihim na noong 2016 pa nang makakuha sila ng impormasyon patungkol sa planong pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Duterte pero noong 2017 lamang ito na-validate at nakumpirma.

Giit ni Lorenazana, bumuo ang CPP-NPA ng anti-Duterte movement na nanghihikayat para pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.

Wala ding katotohanan na watak-watak ang AFP at ang umano’y planong muling pag-aaklas laban sa Pangulo.

“No, I don’t think so that is just a rumor, may gumagawa ng storya na ganyan na marami nang disgruntled na active military pero wala naman kaming nakikita e,” wika ni Lorenzana.

Tiniyak ni Lorenzana na nanatiling mataas ang morale ng mga sundalo lalo na ngayon tumaas na ang suweldo na ang mga kawal.

Nilinaw naman ng kalihim na ang inilabas na pahayag ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez ay precautionary lamang.

“Tsismis” lamang din daw ang ulat na mayroon umanong sabwatan sa pagitan ng CPP-NPA at ang “Yellow Group” para pababain ang Pangulo sa tungkulin.