Nakatakdang balikan at pag-aralan ulit ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kanilang desisyon kamakailan na luwagan ang quarantine restrictions sa harap nang pagtaas ng COVID-19 cases kamakailan.
Ayon kay testing czar Vince Dizon, kabilang sa mga ire-review ng IATF ay ang kanilang desisyon na payagan nang makapag-operate ulit ang mga sinehan.
Pag-uusapan din aniya kung kailangan ulit sa ngayon na ibalik ang pagbibigay ng quarantine passes ng mga barangay para sa mga lalabas ng bahay, pati rin ang pagbiyahe ng mga local tourists.
Mababatid na sa nakalipas na tatlong araw, pumapalo sa mahigit 3,000 ang bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala sa kada araw.
Sabado nang sabihin ng DOH na mayroong upward trend sa bilang ng confinement ng COVID-19 patients sa iba’t ibang ospital sa nakalipas na mga linggo.
Habang ang UP-OCTA Research naman ay nagsabi na aabot sa 2,400 na bagong COVID-19 cases kada araw ang inaasahan simula Marso 26 dahil sa increased mobility kasunod nang pagluwag ng quarantine restrictions.