Ilalabas sa publiko sa lalong madaling panahon ang desisyon kaugnay sa mga petisyon sa dagdag-sahod sa Pilipinas ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Inihayag ni Labor chief Sec. Bienvenido Laguesma na ito ay alinsunod sa pangako ng gobyerno na tugunan ang mga suliranin ng mga manggagawa sa bansa.
Pinag-aaralan na aniya ng maigi ang mga nakabinbing petisyon ng mga regional tripartite wages board upang makatugon sa pangangailangan ng mga manggagawa.
Sinabi din nig DOLE official na sa nakalipas na anim na buwan abala ang kagawaran sa pagsasama-sama ng Philippine Development Plan at labor and employment plan na naglalaman ng mga programa ng administrasyon na idinisenyo upang tugunan ang mga apela ng mga manggagawa.
Aniya, kasama sa mga plano ang inclusive growth, pagbaba ng poverty incidence at mga probisyon sa kalidad ng mga trabahong inaalok sa mga manggagawa.
Iginiit ng opisyal na mayroong dadaanang proseso ang pag aaral sa wage hike.
Idinagdag din ni Laguesma na ang Philippine Development Plan ay nakahanay sa 8-point socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nang tanungin kung paano niya ilalarawan ang kalagayan ng manggagawa sa Pilipinas, sinabi ng labor secretary na sa palagay nito ay may nakikitang pag-unlad o pagbuti sa trabaho.