Muling pag-aaralan ng Department of Energy (DOE) ang naging desisyon ng Korte Suprema at implikasyon ng pagwawalang-bisa at unconstitutional ng Joint Maritime Seismic Undertaking (JMSU) ng Pilipinas kasama ang China at Vietnam.
Sinabi ni DOE Undersecretary Alessandro Sales na makikipag-ugnayan sila sa mga kaukulang ahensiya gaya ng Office of the Solicitor-General at Department of Justice (DOJ) para sa susunod na hakbang na gagawin kaugnay sa naging desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Magugunita kasi na sa naging desisyon na inilabas ng Kortre Suprema noong Enero 10, ng kasalukuyang taon nadiskubre ng korte na unconstitutional ang naturang Joint Maritime Seismic Undertaking sa isang Agreement area as West Philippine Sea dahil pinayagan nito ang buong pagmamay-ari ng mga banyagang korporasyon para makapag-explore sa mga likas na yaman ng ating bansa.
Ang Joint Maritime Undertaking ay pinasok ng bansa noong 2005 at nagpaso noong 2008 na isang kasunduan sa pagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC), China National Offshore Oil Corp. at Vietnam Oil Gas Corp saklaw dito ang nasa 142,886 square kilometers ng WPS.
Nag-ugat naman ang naturang kaso mula sa petisyon na inihain ni dating Bayan Muna Party-List representatives Satur Ocampo at Teodoro Casiño na iginiit na iligal ang kasunduan dahil nilabag nito ang 1987 Constituion na nagrereserba sa exploration , development at paggamit ng mga likas na yaman para sa mga Pilipino o korporasyon na 60% pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Inamyendahan naman ng DOE noong nakalipas na taon ang isang section sa implementing rules and regultions ng Renewable Energy Act of 2008 na nagpapahintulot sa mga foreign investors o mga kompaniya na makibahagi sa exploration, development at paggamit ng renewable energy sources ng Pilipinas.