Dismayado ang Filipino Nurses United (FNU) sa desisyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magtakda ng deployment ban sa mga nurses, nursing aids at nursing assistance matapos na maabot na ang 5,000 cap para sa ngayong taon.
Hindi anila patas ang desisyon na ito ng POEA dahil marami pa sa mga nurses sa ngayon ang nasa proseso pa lang nang pag-apply sa trabaho sa ibang bansa, naghahanda ng kanilang mga dokumento, sumasailalim sa examinations, at kumukuha ng mga visa at iba pang requirements.
Sinabi pa ng grupo na hindi dapat ipinapatupad ang deployment ban sa ngayon lalo pa at mayroon namang sapat na bilang ng mga nurses sa bansa.
Mananatili nga lang din aniya ang mga nurses sa bansa kung nabibigyan sila ng maayos na sahod at benepisyo.
Sa isang advisory, sinabi ni POEA Administrator Bernard Olalia na noon pang Hunyo 1 naabot ang 5,000 cap sa mga healthcare workers na ipapadala abroad.
Dahil dito, hindi na aniya magpoproseso at magbibigay ang POEA sa ngayon ng overseas employment certificates para sa mga bagong hire lamang.
Subalit iyong mga nabigyan na ng OECs ay maari namang makalabas ng bansa, ayon kay Olalia.