ILOILO CITY – (Update) Ibinasura ng korte ang motion for reconsideration (MR) na isinampa ng Panay Electric Company (PECO) hinggil sa naunang desisyon ng Regional Trial Court laban sa nasabing kompaniya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Hector Teodosio, legal counsel ng More Electric and Power Corporation (More Power), sinabi nitong ibinasura ni RTC Branch 23 Judge Emerald Requina-Contreras ang mosyon sa kadahilanang wala ng prangkisa ang dating power distributor.
Ayon kay Teodosio, kabilang din sa mga dahilan ay ang kawalan ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) ng PECO habang may prangkisa at Provisional CPCN naman ang More Power.
Umapela naman sa Court of Appeals (CA) ang PECO para sa Temporary Restraining Order (TRO) laban sa expropriation ngunit ibinasura rin ito ng CA.
Ang naging desisyon ng korte sa Iloilo ayon kay Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng PECO, ay hindi napagkasunduan sa hearing kung saan dapat ay inuna muna ni Contreras ang pagresolba sa motion to inhibit na isinampa sa kanya.