-- Advertisements --

Pinuna ni dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang desisyon ng IATF na idaos sa mga ospital ang pediatric COVID-19 vaccination.

Ayon kay Garin, hindi isinaalang-alang ang siyensa sa desisyon na ito, na resulta ng fake news at misinformation.

Bagama’t naiintindihan niya na kailangan ang mahigpit na pag-iingat pero sana man lang ay ginamitan aniya ito ng sentido komon dahil hindi rin maituturing na ligtas na lugar ang mga ospital lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Magiging mas expose lamang aniya sa mas marami pang viruses, at posibleng sa COVID-19, ang mga kabataan kapag sa ospital isinasagawa ang bakunahan.

Bukod dito, dagdag trabaho at alalahanin pa ito sa ngayon ay pagod, overworked, at underpaid na mga frontline health workers.

Kung tutuusin nga, ang mga senior citizens at iyong mayroong mga comorbidities na high-risk sa COVID-19 ay sa mga paaralan, covered courts at open areas binakunahan.

Napaisip tuloy ang kongresista kung nakonsulta ba ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) pati na rin ang iba pang mga eksperto bago pa man aprubahan ng IATF ang COVID-19 vaccination ng mga menor de edad sa mga ospital.

Nakakahiya aniya na sa mahigit isang taon ay parang hindi alam ng ilan sa mga lider ng bansa ang dapat gawin para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.