-- Advertisements --

agriculture 1

Tiniyak ng Department of Agriculture na mayruong sapat na measures para maiwasan na masangkot muli sa anomalya ang nakatakdang pagbili ng ahensiya ng bio fertilizers.

Ayon kay DA Underscretary Leocadio Sebastian, bumuo na ng implementing guidelines ang dept of agriculture para magsilbing gabay ng kanilang regional offices at mga magsasaka sa paggamit ng bio fertilizers.

Sinabi ni Sebastian, ang nasabing implementing guidelines ay nakasaad sa inilabas nilang memorandum order number 32 kamakailan.

Layunin aniya ng hakbang na ito na maging maayos ang pagpapatupad ng paggamit ng bio fertilizers upang hindi na maulit ang mga anomalya sa fertilizer noong mga nakalipas na taon na pinagdudusahan pa aniya hanggang ngayon ng mga dati nilang mga opisyal sa ahensiya.

Binigyang diin ni Sebastian na ang paggamit ng bio fertilizers ang siyang isinusulong ngayon ng pamahalaan para mapataas ang produksyon ng bigas at iba pang produktong pang agrikultura sa bansa.

Paliwanag ni Sebastian, nakita nila sa mga nagdaang taon na nagka problema ang bansa sa produksyon ng bigas dahil sa sobrang mahal ng presyo ng imported na inorganic fertilizers o urea.

Nakita rin aniya nilang bagsak na ang kalusugan o kalidad ng lupa sa bansa kaya maliit na ang produksyon ng bigas.

Ayon kay Sebastian, ito ang dahilan kung bakit may pangangailangan nang isulong ng pamahalaan ang balanced fertilization sa pamamagitan ng paggamit ng bio fertilizers.

Ang bio fertilizers ayon kay Sebastian ay mga mikrobyo galing sa lupa na ina isolate at kumukuha ng hydrogen mula sa lupa saka nito iko convert sa nitrogen na nakukuha mula sa ibang fertilizer at saka daragdagan ng inorganic fertilizer o urea para maging balanse ang kalidad ng lupa.

Sa pamamagitan aniya ng prosesong ito gumaganda ang kalidad ng lupa at mas lalong lumalago ang mga pananim.

Naniniwala si Sebastian na kailangang mapalaganap ang paggamit ng bio fertilizers para maging sustainable ang produksyon ng bigas sa bansa.