KORONADAL CITY – Depresyon ang isa sa mga tinitingnang motibo sa pagpatay ng isang ex-convict sa kaniyang mga kaanak sa bayan ng Tupi na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng isa.
Nangyari ang nasabing krimen sa Sitio Benigno Aquino, Brgy. Miasong, Tupi, South Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng Tupi PNP, pinasok ng suspek na si Dod Capion, 35, ang bahay ng kamag-anak nito na si Lumbina Magon at tinaga ito sa braso at tuhod.
Kalunos-lunos naman ang sinapit ng mga biktima na kinabibilangan ng 9-anyos na si Mikaela Gola matapos tinaga ito sa kaniyang mukha; Gener Capion, 23, na binaril ni Capion gamit ang 12-gauge shotgun, at Mungok Gola, 33.
Humingi naman ng saklolo sa mga otoridad ang sugatang si Lumbina na kaagad namang nirespondehan at pinatay ang suspek matapos umano itong manlaban.
Nabatid na naging dahilan ng pagkawala ng katinuan nito ay nang nalaman niyang sumama sa iba ang kaniyang asawa.
Nahaharap dati sa kasong frustrated murder si Capion sa South Cotabato Provincial Jail.
Samantala, nasa ligtas namang kalagayan ang apat na menor de edad na mga anak ng suspek matapos dinala umano ng suspek sa bahagi ng Kiblawan, Davao del Sur bago nangyari ang malagim na masaker.