-- Advertisements --

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pamahalaan ng Pilipinas ay nagbabalak na i-deport ang mga Japanese fugitive na pinaghahanap dahil sa pagnanakaw sa Japan sa susunod na linggo.

Sinabi ni Remulla na dalawa sa apat na Japanese national ang na-clear na sa lahat ng nakabinbing kaso sa bansa habang ang dalawa pa ay may tig-isang nakabinbing kaso.

Dagdag pa ng Justice secretary na 10 hanggang 11 kaso ang isinampa laban sa mga Japanese fugitives, kung saan pito ang na-dismiss.

Ayon kay Remulla, hindi sigurado kung ipapatapon nila ang mga pugante sa Lunes o Martes ngunit “siguradong magsisimula ito sa susunod na linggo.”

Nauna nang hiniling ng Japan sa gobyerno ng Pilipinas na i-deport ang apat sa mga mamamayan nito na pinaghihinalaang nagdidirekta ng serye ng mga nakawan doon habang nakakulong sa Pilipinas.

Ang mga pinaghihinalaang mastermind, na kinilala sa Japanese media na sina Imamura Kiyoto at Yuki Watanabe, ay inaresto noong 2019 at 2021.

Gayunpaman, sinabi ni Remulla na hindi maaaring i-deport ng bansa ang sinumang may nakabinbing kasong kriminal.

Samantala, inalis na ng Bureau of Immigration sa puwesto ang pinuno at iba pang tauhan ng warden facility nito matapos makuha ang anim na cell phone mula sa isa sa mga Japanese fugitive.