Tatanggap pa rin ng mga late enrollees ang Department of Education para sa School Year 2023-2024 hanggang sa katapusan ng buwan ng Setyembre.
Ito ay upang mabigyang pagkakataon ang mga paaralang naapektuhan ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo sa ating bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas na kumpiyansa ang kanilang kagawaran na sa kabila ng mga nagdaang kalamidad sa Pilipinas ay kakayanin pa rin nitong makamit ang 28.8 million enrollment target nito ngayong school year.
Kung maaalala, batay sa pinakahuling datos ng DepEd ay nasa tatlong milyong mga mag-aaral pa rin ang kulang sa kanilang target enrollment rate dahil sa ngayon ay nasa 25,890,617 students pa lamang sa public schools, private schools, State Universities and Colleges (SUCs), at Local Universities and Colleges (LUCs) ang enrolled.
Mula sa naturang bilang ang Calabarzon ang nakapagtala ng may pinakamaraming enrollees na umabot sa 3,821,034, na sinundan naman ng Central Luzon sa bilang na 2,817,827, National Capital Region with 2,675,386, and Central Visayas with 1,999,476.
Habang ang Cordillera Administrative Region naman ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng mga enrollees sa 406,815 na mga mag-aaral.