-- Advertisements --
France Castro ACT Partylist
ACT Partylist France Castro

Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang mga alegasyon na nagsagawa ito ng profiling sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), isang grupong kritikal sa mga patakaran ng ahensya.

Ayon sa isang DepEd memorandum na kumalat online, inatasan kamakailan ang mga regional director at school division superintendent na isumite ang mga pangalan ng ACT-affiliated teachers na gumagamit ng Automatic Payroll Deduction System (APDS).

Inihayag ng DepEd, ang mga hiwalay na kahilingan ay ginawa rin para sa listahan ng mga miyembro ng iba pang unyon, organisasyon, at asosasyon ng mga guro at non-teaching personnel na nag-a-avail ng APDS, kaya’t, “walang intensyon na sadyang targetin ang mga miyembro ng ACT Union.”

Sinabi nito na ang layunin ng pagsasama-sama ng listahan ng mga nag-avail ng APDS, na kinabibilangan ng iba’t ibang organisasyon sa mga rehiyon, ay “upang i-centralize, connect, update, at ma-improve ang Human Resource Systems ng Department, kabilang ang APDS.”

Sinabi ng kagawaran na regular itong tumatanggap ng mga reklamo tungkol sa hindi tumpak, kwestyonable, at hindi makatwirang pagbabawas ng suweldo para sa mga remittances ng pautang at mga bayarin sa membership.

Noong Biyernes, hiniling ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro na itigil ang umano’y profiling operations ng departamento laban sa ACT at sa mga miyembro nito.

Naghain ang Makabayan bloc ng House Resolution 1095 na kumukondena sa umano’y profiling operations ng DepEd laban sa ACT Philippines at ang pagbubunyag at pagproseso ng personal na impormasyon at sensitibong personal na impormasyon ng kanilang mga miyembro na labag sa 1987 Constitution at Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act.