-- Advertisements --
dito

Pinag-aaralan na umano ng Department of Education (DepEd) ang proposal ng DITO telecommunication na magtayo ang mga ito ng base stations sa mga public schools.

Una nang sinabi ng DITO telecommunity na patuloy ang kanilang negosasyon sa DepEd para sa kanilang plano.

Ayon kay DITO chief technology officer Rodolfo Santiago, kapag naaprubahan na ito, maaari nang magtayo ang DITO ng pasilidad sa mga paaralan at magkakaroon na ng access sa internet connection ang DepEd.

Kung maalala, i-a-adopt na ng mga public schools ang blended at distance learning na nangangailangan ng internet at modules dahil na rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Magsisimula ang klase sa mga public schools sa Oktubre 5.

Sinabi naman ni Education Usec. Alain Pascua, bukas daw ang DepEd sa naturang plano para lalong sipagin at para na rin sa kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.

Sa ngayon, patuloy umanong ini-evaluate ng DepEd Legal Affairs ang proposals mula sa DITO Telecommunity, Globe Telecom at common tower builder ISOC.

Base sa proposal, ililipat ng mga telcos ang kanilang mga towers sa loob ng mga paaralan.

Pero nais muna umanong siguruhin ng DepEd ang seguridad ng mga estudyante, mga guro at personnel.

Samantala, ang Department of information and Communications Technology (DICT) ay mayroon ding government-to-government proposal para sa DepEd para i-facilitate ang naturang plano na kasalukuyan ding pinag-aaralan.