-- Advertisements --

Nakasalalay pa rin sa desisyon ng IATF at mga eksperto ang magiging desisyon ng Department of Education (DepEd) na gawing parameter sa resumption ng face-to-face classes ang pagbabakuna hindi lamang sa mga guro kundi maging sa mga mag-aaral mismo.

Sinabi ito ni Education Secretary Leonor Briones matapos tanungin ni Senior Deputy Minority Leader Janette Garin hinggil sa mga parameters na kinukonsidera ng kagawaran para sa muling pagdaraos ng in-person classes sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Briones, kung gustong gawing mandatory ang pagpapabakuna sa mga estudyante at guro, base sa rekomendasyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra ay kailangan ng Kongreso na magpasa ng batas para rito.

Sa ngayon kasi malaya aniya ang lahat na pumili kung sila ay magpapabakuna o hindi, salig na rin sa iginagawad na karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.

Samantala, sinabi naman ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan na base sa payo sa kanila ng DOH at ng iba pang medical associations dapat sa mga estudyante sa kindergarten hanggang Grade 3 muna isagawa ang pilot study alinsundo na rin sa medical reasons na tinukoy aniya ng mga ito.

-- Advertisement --

Hindi aniya ito pasok sa age group ng mga kabataan na kamakailan lang ay inaprubahan para sa COVID-19 vaccination.