Naglunsad ang Department of Education (DepEd) ng isang school safety drill upang ihanda ang mga estudyante at guro sa tamang gagawin sakaling magkaroon ng karahasan sa loob ng paaralan.
Layunin ng programa na mapalakas ang kaligtasan sa mga eskwelahan sa buong bansa.
Sinimulan ng DepEd ang National Safe Schools Summit and Safety Drill sa Manila Science High School, kung saan mahigit 1,700 estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 12 ang lumahok.
Sa isinagawang drill, ipinakita ang iba’t ibang sitwasyon at ang tamang hakbang na dapat gawin ng mga estudyante at guro kung may armadong tao o active shooter na pumasok sa paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa Philippine National Police (PNP) at sa mga regional office upang maisagawa ang ganitong safety drill nang regular sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Sa isinagawang pilot drill, napansin ng mga security expert na bagama’t naging maayos ang pagtugon ng mga kalahok, may ilan pa ring nag-atubili at madaling napagod.
Kaya mahalaga umano ang paulit-ulit na pagsasanay upang maging mabilis at tama ang ginagawa ng mga ito sa oras ng panganib.
Binanggit din ni Angara ang lumalaking banta mula sa internet, kabilang ang mararahas na video game, online groomers, at mga grupong nanghihikayat ng karahasan.
Partikular niyang tinukoy ang online game na GoreBox, at sinabing bukas ang pamahalaan sa posibilidad na higpitan o ipagbawal ito kung mapatutunayang nakasasama ito sa kabataan.
Plano rin ng DepEd na humingi ng dagdag na pondo sa Kongreso para makapag-hire ng mga professional security guard at makabili ng handheld metal detectors para sa libu-libong pampublikong paaralan sa buong bansa.














