Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng guidelines para sa mga pampublikong paaralan na humihiling na ma-exempt mula sa pagsasagawa ng full face to face classes.
Ito ay kasunod ng paglagda ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ng DepEd Order No. 50 series of 2022 kung saan binalangkas ang operational guidelines para sa pagpapahintulot ng extension o pagpapalawig ng blended learning modality sa piling pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya nang lagpas sa Nobyembre 2 ng kasalukuyang taon.
Sa inisyung DepEd Order, sinabi ng kalihim na ang mga public schools na hindi makakasunod sa pagsasagawa ng mandatong limang araw na in-person classes dahil sa exceptional circumstance ay kailangang magsumite ng kanilang request for continuation o pag-adopt sa blended learning modality.
Subalit maaari ng magpatuloy ang mga paaralan sa blended learning modality habang nakabinbin pa ang request.
Papayagan din ang mga public schools na magpatuloy sa pagsasagawa ng full distance learning sa partikular n aperiod gaya ng emergencies, kapag may kalamidad at mga sakuna.
Ayon din sa DepEd, ang approving authority para sa pagsasagawa ng blended learning modality ay nasa schools division superintendent na ang desisyon ay subject pa rin sa supervision ng regional director.
Inilabas ang bagong guidelines dahil batidng ahensiya na may mga paaralan ang naapektuhan ng nagdaang mga kalamidad nag-iwan ng mga pinsala at kasalukuyang ginagamit na evacuation centers.
Sa latest data mula sa DepEd, nasa 53 mula sa 827 public schools na nasa National Capital Region ang pinayagang magsagawa ng blended learning habang nasa 774 paaralan naman sa rehiyon ang nagpatupad na ng 5-day in-person classes.