Itutuloy ng Department of Education (DepEd) sa Setyembre 3 ang National Simultaneous School Safety Drill na nakatuon sa paghahanda ng mga paaralan sa posibleng active threat o pag-atake sa loob ng school premises.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na dapat magkasabay na prayoridad ng mga paaralan ang pisikal na seguridad at ang mental health ng mga bata.
Sinabi ng DepEd na isasagawa ang drill sa paraang naaangkop sa edad ng mga mag-aaral at isinasaalang-alang ang trauma at mental health.
Dagdag niyan, hindi rin umano gagamit ng mga aktuwal o makatotohanang simulation ng banta, kabilang ang aggressor role-players, armas, simulated gunfire, pyrotechnics, graphic imagery, at artificial casualties.
Sa halip, pag-aaralan at isasagawa ng mga paaralan ang mga hakbang tulad ng pagsasara at pag-secure ng mga entry point, tahimik na pagtatago sa ligtas na lugar, at evacuation procedures.
Matatandaan na nauna nang ipinagpaliban ng DepEd ang nakatakdang drill noong Agosto 25 upang bigyang-daan ang pag-aangkop sa mga pamantayang child-centered at trauma-informed.
Ayon kay Angara, layunin ng Setyembre 3 drill na magkaroon ang mga mag-aaral at personnel ng kumpiyansa at tamang kaalaman sa pagtugon sa banta, sa halip na takot.
















