Iminungkahi ng Department of Education (DepEd) na buksan na lamang ang school year 2022-2023 sa August 22 at tapusin ito sa July 7, 2023.
Sa isang virtual press conference ay ipinahayag ni Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio ang proposed timeline para sa nasabing school year na binubuo naman ng 215 araw na may 11-week period kada quarter.
Batay sa presentation na inilahad ni San Antonio, makikita na mula August 22 hanggang November 4 ang magiging sakop ng 1st Quarter; 2nd Quarter – November 7 hanggang February 3; 3rd Quarter – February 13 hanggang April 28; 4th Quarter – May 2 hanggang July 7.
Magsisimula naman ang Christmas break sa December 19, 2022 habang sa January 2, 2023 naman tinitignan ng kagawaran na i-resume ang mga klase.
Mula July 10 hanggang July 14, 2023 naman planong ganapin ang end-of-year rites o graduation ceremonies.
Samantala, iginiit naman ng opisyal na ang patuloy na isasagawa ng DepEd ang blended mode of learning para sa nasabing school year at maging sa mga susunod na taon pa.
Magugunita na kasabay nang unti-unting pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at maging ng mga pagluluwag sa mga restriction ipinapatupad sa bansa ay ang pagpapalawig din ng DepEd sa kanilang in-person classes kung saan ay nasa mahigit 23,900 public at private schools na ang kasalukuyang nakikilahok sa ginagawang “progressive expansion” ng programang ito.