-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Department of Education (DepEd) ang pag-apruba ng Commission on Elections (Comelec) sa pagbibigay na karagdagang honoraria sa ilang mga guro na nagsilbi noong araw ng eleksyon noong Mayo 9.

Ito ay kahit na mas mababa ang idinagdag na halaga ng honoraria kumpara sa orihinal na panukala ng kagawaran na nagkakahalaga sa Php 3,000.

Batay sa kautusang inilabas ng Comelec, makatatanggap ng dagdag na Php 2,000 na honoraria ang mga nagsilbing poll workers.

Sa isang statement ay ibinahagi ng DepEd na talagang masigasig na nakipag-ugnayan sa Komisyon sina Education Secretary Leonor Briones at Election Task Force Chair at Undersecretary for Administration Alain Del B. Pascua hinggil dito.

Anila, ang dagdag-honoraria na ito ay nararapat at makatarungang kompensasyon lamang para sa nasabing mga guro dahil sa mga naging sakripisyo partikular na noong kinailangan nilang i-extend ang kanilang serbisyo nang dahil sa mga naging aberya sa mga vote counting machines (VCMs) at SD card noong araw ng eleksyon.

Samantala, sinabi naman ng kagawaran na patuloy silang makikipagtulungan sa Comelec at Kongreso para magtatag ng mas kapaki-pakinabang na mga probisyon na may kaugnayan sa botohan para sa ating mga guro na palaging nakatuon sa pangangalaga sa kasagraduhan ng boto ng mga Pilipino.