Hinimok ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas, ang Department of Education na palakasin at suportahan ang mga teaching at non-teaching personnel para matiyak ang epektibong pagpapatupad ng direktiba na alisin ang mga gawaing administratibo sa mga guro.
Ayon kay Basas, bagama’t pinahahalagahan aniya nila ang naturang hakbang ng DepEd at ang layuning tanggalin ang administrative task sa kanilang mga guro, nakikita umano nila na malaking hamon ang pagpapatupad nito.
Hiniling ng Teachers’ Dignity Coalition sa DepEd ang kalinawan at paghahanda para ipatupad ang naturang patakaran para sa mga pampublikong paaralan.
Ang mga gawaing pang-administratibo, gaya ng tinukoy sa directive order, ay mga tungkuling mahalaga para sa effective at efficient na operasyon ng mga paaralan, programa, proyekto, at serbisyo, na hindi direktang nauugnay sa pagtuturo at academic learning.
Matatandaan na mayroong 10,000 non-teaching personnel na kinuha para sa 2023 at 2024.
Gayunpaman, ipinunto ni Basas na hindi ito sapat kahit na mag-deploy ng isang tauhan bawat paaralan, lalo pa’t mayroon tayong higit sa 47,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.