Wala pa ring desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad nang pagsasagawa ng pilot test para sa face-to-face classes.
Sagot ito ni Education Secretary Leonor Briones matapos tanungin ni Deputy Minority Leader Stella Quimbo kung kamusta na ang plano na magsagawa ng face-to-face classes sa ilang piling lugar sa bansa.
Ayon kay Briones, noong Setyembre 10 nang muling iprinisenta niya ang ideyang ito kay Pangulong Duterte, subalit wala naman daw tugon pa rito ang punong ehekutibo.
Paglilinaw ng kalihim, hindi nagbubulag-bulagan ang DepEd sa samu’t saring problema na pinagdadaanan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang sa harap ng nagpapatuloy pa ring blended learning system.
Sa katunayan noong nakaraang taon pa nang isinusulong ng DepEd ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling lugar sa bansa subalit makailang ulit na naudlot bunsod ng mga nagsalputang variants ng COVID-19.
Gayunman, sakaling payagan na ni Pangulong Duterte ang face-to-face classes, sinabi ni Briones na dipende pa rin ito kung papayag din ang mapipiling local government units.
Kailangan din aniya na mayroong written consent mula sa mga magulang at ang mga paaralan na gagamitin ay akma sa minimum health standards na itinatakda ng pamahalaan tulad ng social distancing.