-- Advertisements --

Hindi sang-ayon ang Department of Education ang isinusulong na amiyenda sa Saligang Batas partikular ang pagpapahintulot sa “full control” at pangangasiwa ng mga dayuhan sa basic education institutions.

Sa deliberasyon ng Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses Number 7, sinabi ni DepEd Undersecretary Omar Alexander Romero na magkakaroon ng seryosong implikasyon ang amiyenda sa Paragraph 2, Section 4, Article 14 ng Konstitusyon.

Ito ay ang katagang “unless otherwise provided by law” ay maaari aniyang magsilbing gateway o daan para palawakin ang kontrol ng foreign entities sa educational institutions.

Nangangamba rin umano ang DepEd na ang pagpapalawak sa pangangasiwa ng mga paaralan ay makakaapekto sa mga programa at commitments ng ahensya lalo na sa implementasyon ng bagong basic education curriculum.

Inihayag ni Romero, kwestyonable ang limitasyon ng kontrol kasama ang mga proseso at kung papayagan bang magturo ang mga dayuhan.

At dahil nakapaloob sa “MATATAG Kindergarten to Grade 10” o K-10 Curriculum ang learning competency na “Makabansa” na huhubog sa pagiging makabayan ng mga estudyante, paano umano maitataguyod ang kasaysayan, sining at kultura sa bawat aralin.

Idinagdag ng DepEd official na ang pagtanggal sa limitasyon sa bilang ng foreign nationals na nag-aaral sa isang educational institution at pagbabawal sa pagtatayo ng paaralan para lang sa mga dayuhan ay maaaring maging banta sa pambansang seguridad dahil sa kakulangan sa probisyon.