-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Iginiit ng 13-anyos na estudyante na sumaksak sa dalawang kapwa estudyante sa Cauayan City National High School na ipinagtanggol lamang niya ang sarili sa mga nanakit sa kanya.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas Dondon, sinabi niyang inabangan siya ng grupo ng mga kabataan sa labas ng kanyang classroom at siya ay pinagsusuntok.

Para madepensahan ang sarili ay inilabas niya ang dalang patalim at sinaksak ang dalawang nanakit sa kanya.

Iginiit ng mag-aaral na “self-defense” ang nangyari dahil marami ang sumusuntok sa kanya.

Dagdag pa niya na matagal na siyang binubully dahilan kaya napilitan siyang magdala ng patalim bilang proteksyon sa sarili.

Pagkatapos ng nangyaring pananaksak ay lumabas na siya sa eskwelahan ngunit inabangan siya ng iba pang kasama ng kanyang mga nasaksak at muli siyang pinagsusuntok.

Samantala, hindi pa nagbibay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima dahil kailangan pa nilang asikasuhin ang mga nasugatang kaanak.

Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang isa sa dalawang estudyanteng nasaksak.

Ang mga biktima ay 15-anyos at 16-anyos na nasa Grade 8 at Grade 9 at kapwa residente ng Cauayan City.

Agad dinala sa clinic ng paaralan ang mga biktima para malapatan ng paunang lunas bago dinala sa Cauayan District Hospital na kalaunan ay inilipat din sa isang pribadong pagamutan.

Kailangan umanong mapagtuunan ng pansin ang isa sa mga biktima dahil kailangang malagyan ng tubo ang bahagi ng katawan dahil sa namuong dugo.

Samantala, inihayag ng pamunuan ng DEPED Cauayan City na maaaring kabilang sa mga grupo o gang ang mga mag-aaral na nasangkot sa kaguluhan at pananaksak kahapon sa loob ng compound ng National High School.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr., sinabi niya na maaaring kabilang sa magkaaway na grupo ang mga sangkot na mag-aaral.

Aniya, maaaring nagkakursunadahan ang mga biktima at suspek kaya nagkaroon ng komprontasyon at binugbog ng mga biktima ang suspek na mayroon palang patalim na dala.

Ayon kay Dr. Gumaru hindi lamang kahapon nagsimula ang alitan ng mga estudyante dahil kung titingnan ay matagal na ito dahil nagdala na ng patalim ang suspek bilang proteksyon sa sarili.

May mga Security Guard naman sa loob ng eskwelahan ngunit maaaring hindi agad nakatugon dahil kasalukuyan ang labasan ng mga estudyante at kailangang bantayan ang dalawang exit points ng paaralan.

Ayon kay Dr. Gumaru hindi lamang isa o dalawa kundi marami ang sangkot sa gulo dahil may nababanggit pang outsider o mula sa ibang paaralan kaya masusi nila itong iimbestigahan.

May mga magulang din ang nagsabing biktima ang kanilang anak sa pambubully ng ilang mag-aaral.

Dahil sa pangyayari ay maghihigpit na ang paaralan sa mga mag-aaral na nagdadala ng mga patalim sa loob ng paaralan upang hindi na maulit ang naganap na pananaksak.

Inaasahan din ang presensya ng mga pulis sa eskwelahan upang matiyak ang kaayusan at katahimikan at seguridad ng mga mag-aaral.

Inihayag ni Dr. Gumaru na hindi pinapayagan ang mga gang o kahit anong katulad na grupo sa paaralan kaya sinabihan na rin niya ang principal na tingnan kung sino ang mga kaibigan ng mga sangkot upang malaman ang puno’t dulo ng pangyayari.