-- Advertisements --

Mananatiling blended learning ang sistema para sa School Year 2021-2022 ngayong patuloy pa ring lumalaban ang bansa kontra COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Education (DepEd).

Iginiit ng DepEd na sa ngayon, nanatili pa ring bawal ang face-to-face classes hanggang sa kung kailan magsasabi si Pangulong Rodirigo Duterte na puwede na ulit ito.

“Matapos ipahayag ng Pangulo ang kaniyang desisyon patungkol sa pagbubukas ng darating na taong panuruan, isinaayos ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kalendaryong Pampaaralan sa SY 2021-2022, na itatampok pa rin ang pamamaraang blended learning sa paghahatid ng pangunahing edukasyon,” saad ng DepEd.

Sinabi ng DepEd na ang enrollment period para sa SY 2021-2022 ay magsisimula na sa Agosto 16 at matatapos naman sa Setyembre 13, na siyang unang araw din ng mga pasok.

Ang Christmas break naman anila ay magsisimula sa Disyembre 20, at magbabalik sa mga paaralan ang mga mag-aaral sa Enero 3.

Matatapos ang SY 2021-2022 sa Hunyo 24 sapagkat base sa Republic Act No. 7797 ay kailangan na umabot sa 209 ang school days.