-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at civil society organizations (CSOs) sa isinasagawang Pilot Roll-Out ng School Building Program Monitoring System.

Sa pangunguna ng School Infrastructure and Facilities (SIF) strand, nakipagpulong ang ahensya sa iba’t ibang civil society organizations upang ipakilala ang nasabing monitoring system bilang hakbang tungo sa pagtugon sa school-building related issues.

Dito ipinunto ng kagawaran ng edukasyon ang agarang pangangailangan na magkaloob ng retrofitted classrooms at mga disaster-resilient school buildings sa buong bansa, binigyang-diin din ng ahensya sa pamamagitan ng School Infrastructure and Facilities, ang kahalagahan ng hayagang pakikipag-usap at pagbabahagi ng mga plano, timeline, at layunin sa iba’t ibang miyembro ng mga organisasyon.

Ang General Appropriations Act (GAA) ay nagbibigay ng special provisions sa loob ng Basic Education Facilities Fund (BEFF) upang bigyang kapasidad at isama ang mga Civil Society Organization bilang mga katuwang ng Department of Education upang subaybayan ang pagtatayo ng mga gusali ng paaralan at iba pang proyektong pang-imprastraktura.

Ang programa ay dinaluhan ng Civil Society Organizations na kinatawan ng Parent-Teachers Association, Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines), at Cebu City Youth Development Commission.