-- Advertisements --

Binatikos ngayon ng isang grupo ng mga guro ang Department of Education (DepEd) hinggil sa naging direktiba nito sa mga guro para sa nalalapit na panahon ng halalan.

Ipinag-utos kasi ng kagawaran sa lahat ng mga guro na pumasok pa rin ang mga ito sa kani-kanilang mga paaralang mula Mayo 2 hanggang Mayo 13, 2022 kahit na wala silang election-related duties.

Sa isang statement ay sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na hindi tma na pilitin ng DepEd ang gurong walang election-related duties na pumasok habang inihahanda ang mga paaralang magsisilbi bilang voting centers para sa Mayo 9.

Nakasaad din anila sa mismong school calendar ng kagawaran na ang May 2 hanggang May 13 ay non-school days dahilan kung bakit hindi daw ito dapat na ikonsidera na workdays para sa mga teachers.

Dagdag pa ng grupo, ang naturang kautusan ng kagawaran ay dadagdag lamang sa mga walang katuturan at hindi kinakailangang pabigat na trabaho para sa mga guro.

Dahil dito ay hinimok nito ang DepEd na repasuhin ang uri ng mga trabaho ng mga guro at bigyang pansin ang maraming usapin na idinudulog sa kanila, sa halip na magpatupad anila ito ng mga walang kabuluhang utos na wala namang malinaw at makatwirang layunin.

Magugunita na una nang inanunsyo ng DepEd ang pagpapatupad ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubklikong paaralan mula Mayo 2 hanggang Mayo 13 sa ilalim ng DepEd order No. 29 na inilabas noong Agosto 5, 2021 dahil sa mga aktibidad na gaganapin sa mga paaralan na may kaugnayan sa halalan.