-- Advertisements --

Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Education at Department of Public Works and Highways upang pabilisin ang konstruksyon at pagsasaayos ng mga pasilidad sa paaralan, bilang tugon sa matagal nang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.

Pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara and Public Works Secretary Vince Dizon ang paglagda ng memorandum of agreement na magtatakda ng iisang sistema sa pagpaplano, disenyo, at pagpapatayo ng mga pasilidad pang-edukasyon sa buong bansa.

Ayon kay Angara, layunin ng kasunduan na mapabilis ang pagpapatayo ng dekalidad at ligtas na classrooms, alinsunod sa direktiba ni Pres Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang sektor ng edukasyon. Tiniyak naman ni Dizon na bibilisan ang implementasyon ng mga proyekto upang agad matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.

Saklaw ng programa ang konstruksyon, pagkukumpuni, at rehabilitasyon ng mga gusali mula kindergarten hanggang senior high school, kabilang ang mga pasilidad para sa technical-vocational training at Last Mile Schools. Inamin ni Sec Angara na aabutin ng ilang taon bago tuluyang masolusyunan ang kakulangan, at kinakailangan ang tuloy-tuloy na suporta ng mga susunod na administrasyon. (report by Bombo Jai )