Umarangkada na raw ang tulong na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) partikular na ang family food packs sa mga rehiyong naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng.
Naka-focus daw ang kanilang pamamahagi ng relief items sa Bangsamoro Region partikular sa Maguindanao at Cotabato.
Sa Luzon ay inuumpisahan na rin daw ang pag-deliver ng mga ayuda sa Quezon, Rizal, Batangas.
Ang mga food packs para sa pamilyang mayroong limang miyembro ay puwede na raw magtagal nang hanggang tatlong araw.
Patuloy din umano ang pag-manufacture ng mga family food packs sa DSWD production centers.
Una rito, sinabi ni DSWD Undersecretary Eduardo Punay na naka-pre-positioned na ang 500,000 food packs bago pa man nanalasa ang bagyong Paeng.
Hiniling na rin nila ang tulong ng Philippine Coast Guard para maibiyahe ang mga relief items sa pamamagitan ng kanilang mga rubber boats.
Ang iba pang ahensiya gaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nagbigay na rin umano ng kanilang mga personnel para tumulong sa repacking ng mga food item.