Muling iginiit ng Malacañang na alam ni dating Department of National Defense (DND) officer-in-charge Jose Faustino Jr. ang biglaang pagpapalit ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod na rin ng paglalabas ni Faustino ng hiwalay na statement at sinabing bumaba ito sa puwesto noong nakaraang linggo matapos malaman lang sa balita at social media na mayroon nang bagong military chief na nanumpa na mismo sa Malacañang.
Pero sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil na mayroon umanong prerogative si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-appoint ng Philippine military chief.
Ayon din umano kay Executive Secretary Lucas Bersamin, alam din ni dating Department of National Defense Officer-in-charge Jose Faustino Jr. ang mga development kaugnay ng appointment ni General Andres Centino na siya lamang umanong 4-star general sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni Faustino na hindi raw niya papayagang madungisan, siraan at mapulitika ang reputasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Kung maalala, limang buwan lang ang nakararaan nang italaga ni Pangulong Marcos bilang chief ng Armed Forces of the Philippines si Lieutenant General Bartolome Bacarro.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Marcos si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Carlito Galvez Jr. bilang bagong Department of National Defense secretary kapalit ni Faustino.
Ayon naman kay Department of National Defense Spokesperson Arsenio Andolong, nasa pito sa siyam na mga opisyal ng Department of National Defense ang nagbitiw sa puwesto kasunod ng resignation ni Faustino.
Iginiit naman ni Andolong na ang resignation ng mga Department of National Defense officials sa ilalim ng bagong liderato ay “normal” lamang dahil ito ay “customary” at bahagi ng procedure na kanilang gagawin bilang coterminous officials.