Nilinaw ngayon ng Department of Justice (DoJ) na para lamang sa monitoring purposes ang inilabas na Immigration Lookout Bulletin Order laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating deputy security officer Ricardo Zulueta.
Ang dalawa ay ang itinuturong mga mastermind sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at ang middleman na si Jun Villamor.
Ayon sa Department of Justice, kahit may inilabas na lookout bulletin order ay hindi raw mapipigilan ang mga subject kung nais nilang lumabas ng bansa.
Sinabi pa ng DoJ na mayroong posibilidad na umalis ng bansa si Bantag at Zulueta kapag ikokonsidera ang bigat ng mga inihaing reklamo sa mga ito.
Pero naglabas daw ang DoJ ng immigration lookout bulletin order laban sa mga subject para kahit paano ay ma-monitor ang itineraries ng kanilang flight travel o ang kanilang kinaroroonan.
Sinabi naman ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na ang lookout bulletin order ay ipinatupad na ng Bureau of Immigration noon pang December 9.
Kung maalala, si Bantag at Zulueta ay nahaharap sa kasong murder dahil sa pagkamatay ni Lapid at Villamor.
Pero mariin namang itinatanggi ng mga ito ang pagkamatay ng mga biktima.
Si Lapid ay binaril-patay sa Las Piñas City noong Oktubre 3 habang si Villamor ay namatay naman sa New Bilibid Prison.
Sa isinagawang autopsy ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun, lumalabas na ang bangkay ni Villamor ay mayroong history ng asphyxia by plastic bag suffocation.