
Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ0 ang isang banyagang sangkot sa aktibidad ng human trafficking sa ibang mga dayuhan para magtrabaho bilang scammers dito sa Pilipinas.
Kinilala ang naturang banyaga na si Chue Thiri Ngone o tinatawag din sa pangalang Christine Chue Ni Quian o Christine na nahaharap sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng Section 4(j) may kaugnayan sa Section 6(c) ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 o ang Republic Act 9208.
Ayon sa mga nagrereklamong testigo na inalok sila ng trabaho sa pamamagitan ng Facebook post ni Christine at kinapanayam sila gamit naman ang Teelgram.
Magkahiwalay na dumating ang mga ito sa bansa noong buwan ng Abril habang ang iba naman ay noong Hunyo at Agosto ng taong 2022.
Pagkatapos ay inilipat ang mga ito sa isang private village sa Parañaque kung saan ipinaalam na ang kanilang magiging trabaho.
Subalit sinabi ng mga complainants na pinagtrabaho sila bilang scammers kung saan minandato sila na lumikha ng profiles sa dating apps para i-chat at i-recruit ang mga kliyente para maglaro online o bumili ng crypto USDT mula sa exchange apps. Ang malilikom na pera ay maililipat o maiinvest sa platforms na kontrolado ni Christine.
Inilahad pa ng complainants na sa tuwing sila ay mabibigong maabot ang quota, pinagmumulta sila ng P100 hanggang P200, sapilitang pinagagawa ang 200 sit-ups, kinukuryente, binubugbog, ginugutom at pinagbabantaang ibebenta sa ibang Chinese company.
Nasagip ng Philippine National police (PNP) Anti-Kidnapping Group (PNP AKG) ang mga biktima noong Sept. 27, 2022 sa Paranaque City.










