-- Advertisements --
image 346

Nangako si Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ng hustisya para sa mga biktima ng insidente ng pananambang sa Lanao del Sur na ikinasugat ng gobernador ng probinsiya at ikinamatay ng apat sa kanyang mga police escort.

Ayon sa pahayag ni Abalos, mariin niyang kinokondena ang ginawang pag-ambush kay Gov. Bombit at sa kaniyang mga kasamahan kaya agad umano siyang nagbigay ng direktiba sa Philippine National Police na magsagawa ng manhunt operations upang agad na mahuli ang mga suspek sa naganap na insidente.

Nagtamo ng mga tama ng bala sina Gobernador Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. at ang kanyang mga tauhan na si Ali Macapado Tabao at ginagamot sa Bukidnon Provincial Hospital sa bayan ng Kalilangan.

Ayon sa pahayag na inilabas ng tanggapan ng gobernador, ang opisyal ay “safe and out of danger” at nasa “very stable condition” na sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Abalos na bagamat nakaligtas si Gov. Bombit, napakalungkot umano na nasawi ang ilan sa kaniyang mga kasamahan sa naganap na karumal-dumal na insidente.

Lubos na nakikiramay ang departamento sa pamilya ng mga biktima at asahan daw na hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi nahuhuli at napupunta sa bilangguan ang mga suspek.

Una ng ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. sa pulisya na mahigpit na makipag-ugnayan sa militar sa lugar upang matunton ang mga suspek at alamin ang motibo ng naturang insidente.