Ibinunyag ng Department of Health (DOH) ang planong pagbili nito ng limitadong bilang ng bivalent COVID-19 vaccines.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, maliit na bilang lamang ang bibilhin para sa vulnerable population at kung nakikitang malaki ang demand ay mago-order pa ng dagdag para sa ikalawang batch.
Saad pa ni Vergeire na gagawa ng isang master list at aantayin na makumpleto ang lsitahan ng mga nais na mag-avail gaya ng mga lokal na pamahalaan at sa pribadong sektor.
Mayroon na rin aniyang kasunduan ang ahensiya sa mga manufacturer upang maging madali na lamang ang pag-order at deliveries ng nasabing bakuna sakaling kakailanganin na umorder ng dagdag na mga bakuna.
Pagdating naman sa plano na pagkakaroon ng pre-registration bilang basehan sa pag-order ng bivalent vaccine, sinabi ni Vergeire na malilimitahan lamang nito ang mga interesado na mag-avail ng bakuna o ang mga magwawalk-in.
Sa katunayan, nagsagawa ang DOH ng survey sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan lumalabas na nasa 90% hanggang 92% ng mga nakatanggap na ng una at ikalawang boosters ay pabor na mabakunahan ng bivalent vaccines.
Para naman sa mga nakatanggap ng primary series o unang dalawang doses, sinabi ni Vergeire na nasa 68% ang interesado na mag-avail ng bivalent vaccines.
Ginawa ang naturang survey para matansiya ang kailangang bilhing bakuna base na rin sa prayoridad na mabakunahang populasyon ng naaayon sa siyensiya.