-- Advertisements --
DOH office

Ilalagay sa high alert status ng Department of Health ang lahat ng mga pagamutan sa Pilipinas para sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon sa bansa.

Ito ay bilang paghahanda ng Kagawaran ng Kalusugan para sa mga posibleng hindi inaasahang sakuna sa nasabing okasyon na bahagi ng kanilang “Iwas Paputok” campaign.

Sinabi rin ng ahensya na mahigpit nilang imo-monitor ang lahat ng mga pagamutan sa iba’t-ibang panig ng bansa upang matiyak ang kahandaan nito partikular na sa mga fireworks-related injuries at iba pang emergency na posibleng maganap.

Kaugnay nito ay nakatakdang bisitahin ng mga opisyal ng DOH ang ilang mga pagamutan tulad ng Las Piñas Trauma Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, at Amang Rodriguez Medical Center sa darating na Disyembre 29, 2022.

Habang sa Disyembre 31 naman bibisitahin ng Fielf Implementation and Coordination Team (FICT) ang mga komunidad sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at sa darating na Enero 1, 2023 nakatakdang magsagawa ng media forum at pagbisita sa mga ospital sa Baguio City at mga lugar sa paligid nito ang mga opisyal pa rin ng DOH para naman sa assessment ng overall situation ng New Year celebrations dito.

Samantala, sa kabila naman ng mga paghahandang isinasagawa na ito ng kagawaran ay patuloy parin ang kanilang panawagan sa publiko na iwasan na lamang ang pagbili at paggamit ng mga paputok, at manuod na lamang anila ng mga professionally prepared at organized na mga fireworks display.

Maaari rin anilang gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay ang bawat isa para sa mas ligtas at masayang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Bukod dito ay umapela rin ang DOH sa mga local government units at private sectors na suportahan ang kanilang kampanya nito kontra paggamit ng paputok upang mabawasan na rin ang bilang ng mga maitatalang fireworks-related injuries at deaths sa bansa.