Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng mga gamot at iba pang mga pag-iingat laban sa sakit na Leptospirosis.
Ito ay matapos nga ang naging pananalasa ng Bagyong Karding sa bansa kung saan marami sa ating mga kababayan ang napilitang lumusong sa baha para makalikas noong kasagsagan ng nasabing bagyo.
Sa isang pahayag ay muling nagpapaalala si DOH officer-in-charge at undersecretary Maria Rosario Vergeire hinggil sa mga maaaring idulot na iba’t-ibang sakit ng paghagupit ng nasabing bagyo tulad na lamang ng leptospirosis.
Dahil dito ay agad aniya nilang inatasan ang lahat ng mga kinauukulan na agad na i-assess at bigyan ng gamot kontra leptospirosis ang mga residenteng lumusong sa baha nang dahil sa malakas na pag-ulan.
Bukod dito ay nagpayo rin si Vergeire hinggil sa palagiang paglilinis ng kapaligiran para naman tuluyang nang mapigilan ang banta na hatid ng leptospirosis.