Agarang iproproseso nv Department of Health (DOH) ang dagdag na bilyong pondo para sa One covid-19 allowance (OCA) at Special Risk Allowance (SRA) para sa mga healthcare workers.
Ito ang tiniyak ng kagawaran kasunod ng pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagpapalabas ng P1.04 billion para sa SRA at P11.5 Billion para sa Health Emergency Allowance (HEA)/ OCA noong Oktubre 3, 2022 at Oktubre 5, 2022.
Ang paglabas ng DBM ng P1.04 bilyon ay para sa pagbabayad ng natitirang 55, 211 na hindi pa nabayarang Special Risk Allowance (SRA) para sa mga kwalipikadong healthcare workers at non-healthcare worker para sa period mula Setyembre 2020 hanggang Hunyo 2021.
Samantala, ang P11.5 bilyon naman ay ipoproseso ng DOH para sa pagbabayad ng 1,617,660 na hindi nabayarang Health Emergency Allowance (HEA)/One COVID-19 Allowance (OCA) mula noong Enero 2022 hanggang Hunyo 2022.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng DOH ang sub-allotment guidelines at sabay-sabay na ipinaalam sa mga regional counterpart sa Centers for Health Development (CHDs) na ihanda ang mga kinakailangang papeles at mga dokumento para sa mabilis na disbursement o pamamahagi ng inilabas na pondo.
Inihayag din ng DOH na kailangan din ng karagdagang pondo upang masakop ang mga serbisyong ibinigay mula Hulyo 2021 hanggang sa kasalukuyan alinsunod sa Republic Act No. 11712 o kilala bilang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act”.
Nagpasalamat naman si DOH Officer-in-Charge Secretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa pagpapalabas ng DBM ng pondo at siniguro ang pagdoble kayod para mapabilis ang proseso ng paglilipat ng mga pondong ito sa kanilang implementing units at pasilidad para sa agarang pagbibigay ng mga benepisyo para sa lahat ng karapat-dapat na HCW.