Kumpiyansa ang top official ng Department of Finance (DOF) na makakarekober ang ating bansa mula sa posibleng mawalang revenues sakali man na ipagbawala sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay Finance Undersecretary Bayani Agabin, maaaring makapaghikayat ng foreign investors ang bansa sa ibang mga industriya para mabawi ang mawawalang revenues
Base sa data mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) lumalabas na ang revenues na nakukuha mula sa POGOs ay pumalo sa P4.438 billion mula noong Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon, mas mataas ito kumpara sa P3.91 billion na nakolekta para sa full year 2021.
Kinapos naman ang nakolektang revenue noong nakalipas na taon sa target na P32.1-billion.
Kung sakali man na tuluyan ng tanggalin ang POGO sa bansa ayon sa Office ni Senator Sherwin Gatchalian na siyang chair ng Committee on Ways and Means na nasa humigit-kumulang P34.679 billion mula sa mga buwis at non-taxes ang mawawalang revenues ng bansa.
Kabilang dito ang foregone taxes ng P7.485 billion sa retail selling ng household equipment at communications equipment; P3.072 billion sa 25% tax withholding para sa foreign nationals; P4.312 billion sa income taxes; at P1.583 billion remittances para sa national government at iba pa.
Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa nasabing pagdinig na ibinilang na ng Chinese government ang Pilipinas sa kanilang blacklist para sa tourist destination dahil sa patuloy na operasyon ng POGOs sa bansa.