-- Advertisements --
kuryente

Pinaplano ngayon ng Department of Energy (DOE) na mag-develop ng karagdagang domestic sources ng suplay ng kuryente bilang alternatibo para maabot ang layunin na energy security sa bansa.

Isa na dito ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla ang pangangailangan na mag-develop na karagdagang indigenous energy resources kabilang ang renewable energy sources.

Ibinunyag din ng kalihim na ang karagdagang suplay ng enerhiya ay inaasahang kukunin mula sa Malampaya gas field na nasa kanlurang bahagi ng Palawan at natatanging indigenous commercial source ng natural gas sa bansa sa loob ng dalawang taon.

Sa katunayan aniya on track na ang pagsasagawa ng drilling para sa kalapit na fields sa katapusan ng 2024 at umaasang magkaroon ng bagong karagdagang suplay mula sa parehong service contract pagsapit ng taong 2026.

Ito aniya ay isang magandang balita na mahalaga para mahikayat ang mas marami pang pamumuhunan sa exploration sa oil at gas sector.

Alinsunod din aniya sa agenda ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na paghahanap ng mga posibleng lugar para sa installation ng renewable energy sources nang hindi nasasakripisyo ang mga lupaing pangagrikultura, ayon kay Sec. Lotilla tinitignan na aniya ang paglalagay ng floating solar panels at offshore wind farms sa bansa.

Pagdating naman sa pag-develop ng nuclear energy bilang alternatibong source ng enerhiya, sinabi ni Lotilla na kanilang patuloy itong pinagaaralan subalit karmihan aniya sa maliliit na modular technologies ay nasa demonstration stage pa at hindi pa ibinibenta at napakamahal.

Liban pa dito, bumabalangkas na rin aniya ang mga mambabatas ng bagong panukala kaugnay sa Philippine nuclear development.