-- Advertisements --
DBM Logo

Ibinida ngayon ng Department of Budget and Management (DBM) na pumalo sa P29.5 billion na halaga ng tulong sa iba’t ibang beneficiaries sa unang 100 days na panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa DBM, ang iba’t ibang tulong ay kinabibilangan ng suporta para sa mga magsasaka na labis na naapektuhan ng Rice Tariffication Law; vulnerable households na naapektuhan ng inflation; ang mga nasa crisis situations at maging ng mga biktima ng bagyo at lindol.

Kasama pa rito ang inilabas na pondo para sa libreng sakay para sa mga commuters ng Edsa Carousel Route maging ang eligible public at private healthcare at non-healthcare workers na kasama sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) healthcare response.

Nasa P8 billion ang inilaan para sa pamamahagi ng Department of Agriculture (DA) ng P5,000 na subsidiya para sa 1,563,781 eligible rice farmers na apektado ng Rice Tariffication Law sa third at fourth quarters ng 2022.

Pumalo naman sa P4.1 billion na pondo ang natanggap ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) para sa distribution ng second tranche ng P500 monthly cash aid para sa mga low-income families o ang Targeted Cash Transfer (TCT) Program na layong makatulong dahil sa epekto ng tumataas na fuel at commodity prices.

Nasa P2 billion naman ang ibinigay sa DSWD para sa distribution ng cash aid sa mga difficult circumstances kabilang na ang crisis situations o ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS)

Naglaan din ng P1.5 billion para sa DSWD distribution ng P10,000 emergency shelter assistance sa 153,410 totally damaged houses sa Regions 6, 8, 10 at 13 na apektado ng bagyong Odette.

Samantala, papalo naman sa P1.4 billion ang natanggap ng Department of Transportation para pondohan ang pinalawig na “Libreng Sakay” program para sa free rides ng mga commuters kabilang na ang Edsa Carousel Route na magtatapos hanggang sa December 2022.

Aabot din sa P1 billion ang ibinigay na pondo para sa Department of Health (DoH) para sa hindi pa nababayarang COVID-19 special risk allowance claims ng 55,211 health workers

Panghuli rito ang P11.5 billion para sa One Covid-19 Allowance o Health Emergency Claims ng nasa 1.6 million eligible public at private healthcare at non-healthcare workers.