Pinag-aaralan na ng Department of Agriculture (DA) na ibaba ang suggested retail price (SRP) ng sibuyas sa P125 kada kilo nito.
Ito ay ayon kay Department of Agriculture Deputy spokesperson Rex Estoperez kaugnay ng pagdating ng mga imported at ang inaasahang peak ng season harvest nitong sibuyas.
Aniya, para matiyak na bababa ang presyo ng retail, pinag-iisipan ng kagawaran na magtakda ng suggested retail price na P125 kada kilo habang ang mga pamilihan ay babantayan din nang mabuti.
Gayunman, inamin niya na may posibilidad na hindi sumunod ang merkado sa sinasabing suggested retail price.
Kung matatandaan, sa kasagsagan ng kakapusan sa suplay, tumaas ang presyo ng sibuyas hanggang P700 kada kilo sa ilang bahagi ng bansa.
Upang pigilan ang pagtaas ng presyo, ang bansa ay nag-angkat ng mga sibuyas sa kabila ng pagsisimula ng panahon ng anihan.
Una ng inaprubahan ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng 21,000 metric tons ng sibuyas na kung saan dumating na ang unang shipment nito sa ating bansa.