May kabuuang 51,704 na magsasaka ng palay mula sa Ilocos Norte ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture.
Ito ay bahagi ng suportang ipinaabot ng pambansang pamahalaan upang mapabuti ang produktibidad ng agrikultura sa nasabing kanayunan.
Ang mga interbensyon, na nagkakahalaga ng P266.27 milyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa mga magsasaka upang mapabuti nila ang kanilang produksyon at tuluyang madagdagan ang kanilang kita.
Ang pondo, na pinakinabangan ng mga magsasaka mula sa mga munisipalidad ng Dingras, Nueva Era, San Nicolas at Marcos, ay nagmula sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) na nagmula sa labis na taripa ng inangkat na bigas ayon sa mandato ng Rice Tariffication Law (RTL).
Bukod sa financial subsidy para sa mga magsasaka ng palay, namahagi din ang DA ng 6,585 sako ng buto ng mais sa Ilocos Norte upang masakop ang 3,292 ektarya ng lugar ng produksyon ng mais.
Ang mga buto ng mais, na pinondohan sa ilalim ng Corn Production Enhancement Program, na nagkakahalaga ng P36.2M, ay inilaan naman para sa panahon ng kanilang pagtatanim.