BOMBO DAGUPAN – Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant and Industry sa mga Provincial at Municipal Local Government Units para sa isinasagawang monitoring ng pag-aani ng sibuyas sa Rehiyon Uno.
Ayon sa panayam kay Maricar Bongais ang siyang Officer ng High Value Crops Development Program (HVCDP) Region 1, maayos naman ang kanilang ugnayan sa mga naturang ahensya at lingguhan aniya ang pagpasa nila ng report ukol sa produktong sibuyas.
Sa kasalukuyan aniya ang may pinakamalaking ani ng naturang produkto ay ang bayan ng Bayambang na may pinakamalaking area, pumapangalawa ang bayan ng Alcala at Bautista kabilang na rin ang mga bayan ng Malasiqui at Villasis.
Madalas aniyang nagkakaroon ng maramihang ani ng sibuyas sa mga buwan ng Pebrero hanggang Abril.
Base sa isinagawang monitoring ng DA, ang kasalukuyang retail price ng sibuyas ay nasa P400 per kilo samantalang ang farm gate price ay nasa P200 hanggang P300 per kilo.
Ngunit ayon parin kay Bongais, dahil papalapit na rin naman ang harvest season, inaasahan na ang pagbaba ng presyo ng sibuyas sa merkado sa mga susunod na araw.
Samantala malaking porsyento pa rin ang nakukuha sa lalawigan ng Pangasinan ng mga karatig na lugar sa Pilipinas partikular sa mga lugar na hindi nag-aani ng sibuyas.