Target bumuo ng sariling law enforcement bureau ng Department of Environment and Natural Resources para sa mas mabilis na implementasyon ng law enforcement ng kagawaran.
Paliwanag ng ahensya, sa ngayon kasi ay kainakailangan pang makipag-ugnayan ng DENR sa mga concerned local government units, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation upang makapagpatupad ng kautusan.
Paglilinaw ni Environmental USec. Juan Miguel Cuna, malaki ang naitutulong ng mga ito sa kanila ngunit nang dahil sa mahabang prosesong kailangan pagdaanan sa kasagsagan ng pakikipag-ugnayan sa mga ito ay mas maraming oras aniya ang nakakain bago maipatupad ang mga kautusan ng kagawaran bagay na mas mabilis aniya sanang magagawa kung mayroong sariling enforcement bureau ang DENR.
Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, kasalukuyan pa silang naghihintay sa batas na magpapatibay sa enforcement capabilit ng kanilang ahensya na magpapahintulot sa kanila na magkaroon ng sariling law enforcement bureau.
Sa ngayon ay mayroon nang mga pending bills na inihain sa mababa at mataas na kapulungan ukol dito kung saan sina Senator Bong Revilla, Loren Legarda, at Nancy Binay ang naghain nito sa Senado, habang sina Representatives Luis Villafuerte at Angelo Barba naman ang naghain nito sa Kamara.
Ang pahayag na ito ng kagawaran ay sa gitna ng kontrobersiyang bumabalot ngayon Captain’s Peak Resort na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills at nag operate nang walang kaukulang mga dokumento.