-- Advertisements --

Nagpaalala muli ang Deparment of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na siguruduhing tinatapon nang maayos ang mga ginagamit na face mask at face shield o ‘yung mga tinatawag na “household heath care waste.”

Ito ay dahil sa kontaminasyon na maaaring dulot nito sa paligid.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, nawawala umano ang silbi ng pagsusuot ng face shield, face masks at mga gloves sa labas kung hindi marunong magtapos nang maayos ang mga tao.

Ang mga ito aniya ay ginagamit upang magligtas ng buhay subalit pagdating umano sa pagtatapon ay tila naisasantabi lamang ang tunay na layunin ng mga nasabing kagamitan.

Alinsunod na rin sa umiiral na health protocols sa bansa ay kinakailangang magsuot ng face mask at face shield ang mga lalabas ng bahay para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease.

Unang nagpahayag ng pagkabahala ang iba’t ibang environmentalist group hinggil sa pagdami ng mga naitatapon na face mask at face shield na hindi naman nabubulok.

Aminado ang kalihim na nakakabahala ang bilang ng mga naitatapong household health care waste kung kaya dahil dito ay plano ng ahensya na maglaan sa bawat barangay ng mga dilaw na trash bin upang doon itapon ng mga residente ang ganitong uri ng mga basura.