CAGAYAN DE ORO CITY – Pinag-iingat ni Environment Sec. Roy Cimatu ang mga opisyal at empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa bayan ng Initao, Misamis Oriental kasunod ng tangkang pagkuha sa nakumpiskang sasakyan na may lamang 2-libong putol na kahoy ng punong lawaan.
Ayon kay DENR Asst. Regional Director for Northern Mindanao Aldritch Resma, nagpaabot ng pakikiramay si Sec. Cimatu sa pamilya ni police Master Sgt. Jason Magno na nasawi nang masabugan ng granada sa covered court ng Initao Community College.
Si Magno ang pulis sa viral video na nakipag-agawan ng eksplosibo mula sa suspek na si Ibrahim Basher, para hindi madamay ang mga estudyanteng naroon sa lugar kung saan nangyari ang insidente.
Itinuturing na bayani ngayon ang nasawing pulis dahil sa pagbubuwis buhay nito para sa iba.