BUTUAN CITY – Tuluyang binawian ng buhay ang isang forester matapos itong pinagkakagat ng putakti o himbubuyog sa Sitio Payong-payong, Barangay Tinigbasan sakop sa bayan ng Tubay sa Agusan del Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Eric Gallego, Regional Information Officer sa Department of Environment and Natural Resources o DENR-Caraga, kinilala nito ang biktimang si Barlo Abarte, 60-anyos na siyang team leader sa rumesponde sa impormasyong may kaugnayan sa illegal logging.
Ayon kay Gallego, habang abala sa assesment ang kasamang lima, hindi nito namalayan ang bahay ng putakti kaya sila ay hinahabol at pinagkakagat.
Ang team leader na siyang napuruhan matapos nagtamo ng maraming kagat ay agad isinugod sa ospital ngunit hindi na nito nakayanan.
Dagdag pa ni Gallego, aabot sa 41 sting sa putakti ang nakuha galing sa katawan ng biktima.
Sa kabila ng pangyayari, naging matagumpay ang operasyon ng grupo kung saan nakumpiska ang mga iligal na kahoy.
Kasama rin sa nakumpiska ang limang motorsiklo habang ang mga naaresto ay dinala sa police station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.