Nakatanggap ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mahigit 60 letter of interest para sa unang 135 water rights na binuksan nito para sa mga pribadong pamumuhunan.
Sa investment forum na inorganisa ng Department of Finance at Department of Agriculture sa Pasay City sinabi ni DENR Undersecretary Carlos Primo David na ang unang 135 water rights ay nasa 78 local government units (LGUs).
Kabilang dito ang karamihan sa mga lungsod na may populasyon na higit sa 200,000 indibidwal bawat lungsod: Bacolod, Iloilo, Tarlac, Tagum, Naga, Butuan at General Santos.
Kasama rin sa listahan ang Baliuag, Daet, Laoag, Koronadal, Capas, Tuguegarao at Tayabas na mayroong populasyon na mahigit 100,000 indibidwal at Kalibo, Surallah, Roxas, Sablayan, Cabadbaran, Prosperidad at Asingan na may populasyon na mahigit 50,000 indibidwal.
Ang mga water investments ay gagawin sa pamamagitan ng unsolicited proposals at gagayahin ang modelong ginamit sa pag-secure ng proponent para sa Bulacan bulk water project.
Pipiliin rin ang mga proponent batay sa pinakamababang rate sa benepisyaryo ng mga local government units.
Sinabi ni David na karagdagang 112 water rights ang iaalok sa ikalawang batch.
Ang mga ito ay mas maliit sa sukat na mas mababa sa 173 milyong litro bawat araw, kumpara sa unang 135.