CAUAYAN CITY – Lumampas na sa alert at epidemic threshold ang mga naitalang kaso ng Dengue sa tatlong lalawigan sa region 2.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) region 2, mula Enero hanggang Hunyo 2022 ay naitala na ang 2,014 dengue cases.
Ito ay tumaas ng 897% mula sa 202 cases lamang na naitala sa katulad na panahon noong 2021.
Sa nasabing bilang ay naitala ang 971 na dengue cases sa Isabela at isa ang nasawi; 724 sa Cagayan at lima ang nasawi, 262 sa Nueva Vizcaya habang dalawang kaso lang ng dengue ang naitala sa Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Romulo Turingan, head ng Disease Prevention and Control Cluster ng DOH region 2, sinabi niya na may koordinasyon na sila sa mga Local Government Units (LGU’s) para sa ibayong pagpapatupad ng 4’s o Search and destroy, Secure self protection, Seek consultation, Support indoor or out door spraying at paglulunsad ng dengue control activities.
Ang nararanasang pag-ulan ang nakikitang dahilan ng DOH sa pagdami ng lamok na carrier o aedes aegypti.
Nakikipag-ugnayan din ang DOH sa Department of Education (DepEd) upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral lalo na’t pinalawak pa ang face-to-face classes.