Nangako si House Speaker Nancy Pelosi na mabilis na kikilos ang Democrats kaugnay ng nilulutong impeachment laban kay outgoing President Donald Trump.
Susubukan umano ng U.S. Congress na ipasa ang resolusyon na magpapatawag kay Vice President Mike Pence at mga gabinete ni Trump para gamitin ang 25th Amendment upang tanggalin ang Republican president sa kaniyang pwesto.
Kung hindi naman maipapasa ang naturang resolusyon sa pamamagitan ng unanimous consent ay saka ito pagbobotohan ng mga mambabatas sa Miyerkules, araw sa Pilipinas.
Nakapaloob sa resolusyon na ito na kinakailangang si Pence ang magpatalsik kay Trump sa loob ng 24 oras. Kung sakali na mabigo si Pence na gawin ito ay mapipilitian ang Kongreso ng Amerika na i-impeach si Trump.
Ang desisyon na ito ay dahil na rin sa nagsisilbi na raw bilang isang banta si Trump sa seguridad ng Konstitusyon at demokrasya ng Estados Unidos.
Habang lumilipas daw kasi ang mga araw ay nagpapatuloy ang pagtira sa tinatamasang demokrasya ng bansa sa pangunguna ni Trump.
Samantala, aminado rin si Pelosi na nababahala ito na i-pardon ni Trump ang mga indibidwal na lumusob at nagdulot ng kaguluhan sa Capitol Hill noong nakaraang linggo.
Ayon kay Pelosi, maaari lamang i-pardon ni Trump ang kaniyang sarili mula sa federal offenses at hindi mula sa state offenses kung saan umaarangkada na ang imbestigasyon hinggil dito.